top of page
Writer's pictureThe North Post

Isyu ng TOFI inihain ng NUSP, SLU sa CHED-CAR

by Shanadine Doria


Nakipag-diyalogo ang National Union of Students of the Philippines (NUSP) Cordillera at ilang mag-aaral ng Saint Louis University (SLU) kay Commission on Higher Education Regional Office (CHEDRO) Cordillera Administrative Region (CAR) Director Atty. Marco Cicero Domingo sa CHEDRO, La Trinidad, Marso 6.


Layon nilang iparating ang hinaing ng mga mag-aaral tungkol sa isyu ng tuition and other fee increase (TOFI) sa iba’t ibang unibersidad sa lungsod ng Baguio.


Napagkasunduan ng dalawang panig ang pagsasagawa ng imbestigasyon tungkol sa isyu ng freshmen carry-over scheme o ang taunang pagtataas ng matrikula sa mga papasok sa estudyante sa unibersidad.


Naihapag din bilang resolusyon ang pagtulong ng CHEDRO sa NUSP at mga estudyante ng SLU na ipaabot sa administrasyon ng SLU ang kanilang mga hiling at hinaing sa lalong madaling panahon.


(Mula kaliwa hanggang kanan) Joshua Mille Morales ng SLU, NUSP Cordillera Spokesperson Louise Montenegro, CHEDRO-CAR Director Atty. Marco Cicero Domingo, at Gregorie Timango mula sa SLU at NUSP Baguio-Benguet.


Pagtaas ng Matrikula

Nag-aalala ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang pribadong unibersidad dahil sa posibleng pagtaas ng tuition fee at iba pang bayarin sa susunod na akademikong taon.


Nakapaskil sa bulletin board ng SLU ang planong pagtaas ng pitong porsiyento (7%) sa tuition fee at ibang bayarin ng mga mag-aaral na papasok sa unang taon ng kolehiyo sa susunod na semestre.


Nabahala naman ang mga estudyanteng kasalukuyang nag-aaral sa SLU dahil tataas din ng 7% ang kanilang ibang bayarin na hindi sakop ng tuition fee.

Inilathala ng administrasyon ng SLU ang abiso sa ambang pag-taas ng matrikula at iba pang bayarin.


Ayon kay Crisha Mae De Vera, 20, na kumukuha ng kursong Bachelor of Arts in Political Science sa SLU, subalit hindi siya sang-ayon sa pagtaas ng matrikula ay ipaglalaban daw ng administrasyon sa kanilang paaralan ang karapatan ng unibersidad na magtaas ng bayarin base sa isang CHED memorandum.


“Of course, ‘di ako pabor doon, lalo na at 7% ang increase. Pero ‘pag ire-rebut mo kasi sa admin, sasabihin nila na nasa CHED memo na may karapatang mag-taas ng tuition fee ang mga private institutions up to 15%. At idadahilan nila na maliit pa naman ‘daw ang 7%,” sabi ni De Vera.


Para kay Daniel Fortaleza, 19, isang estudyante ng Bachelor of Science in Electrical Engineering, gusto niya lamang na bigyang-katwiran ng administrasyon ng SLU ang pagtaas ng tuition fee.


“Kailangan nilang justify kung bakit kailangan ng tuition fee increase,” ani Fortaleza.


Sa University of Baguio (UB), nakapaskil na rin ang planong pagtaas ng lima hanggang sampung porsiyento ng tuition at iba pang bayarin ng lahat ng mag-aaral sa unibersidad.


Ayon kay Angel Maureen Mislang, 19, nanlumo siya nang makita ang posibilidad na pagtaas ng kanilang bayarin dahil ang kaniyang kurso ang isa sa may pinakamalaking loads na nangangahulugang mas maraming siyang kailangang bayaran.


“Nung nakita kong tumaas, nakakapanglumo. Given na marami ‘yung loads, lalo na next year, tataas lalo ‘yung babayaran. Mabigat din sa part syempre ng parents ‘yung pagtaas, lalo na’t isa ‘yung PT (Physical Therapy) sa may pinakamataas na tuition fee per unit,” ani Mislang.


“Pero since nandyan na, official na yung list, sana lang maramdaman naming students yung increase na ‘yon sa pag-improve ng mga facilities and gamit sa school,” dagdag ni Mislang.


Kinondena naman ni NUSP Cordillera Secretariat Abel Christopher Muñoz ang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin dahil naniniwala siyang ang edukasyon ay hindi lang para sa mga mayaman kundi para sa masa.


“Sa pagtanaw natin sa edukasyon bilang karapatan na dapat ay tinatamasa ng lahat, ang pagtataas ng tuition ay hustuhang paglayo ng edukasyon sa masa,” sabi ni Muñoz.


Dagdag pa ni Muñoz, “Kung hinahangad natin ang pagbangon ng bawat isa sa kahirapan, dapat ay binibigyan natin ang bawat isa ng pantay-pantay na karapatan upang umahon sa lipunan -- mahirap man o mayaman. Kaya sa pagtataas ng tuition, nakikita natin ang unti-unting paghihiwalay ng edukasyon mula sa mamamayan na hanggang sa panahon ay maging pribilehiyo na lamang ito ng mga may kakayanang magbayad.”


Natapos na ang aplikasyon para sa mga unibersidad na nagnanais magtaas ng matrikula at iba pang bayarin noong ika-28 ng Pebrero.


Edited by Joemariequeen Del Rosario

49 views0 comments

Recent Posts

See All

Commentaires


bottom of page