top of page
Writer's pictureThe North Post

Banyuhay: Silip sa Bagong Anyo ng Lipunan

Updated: Mar 5, 2020

by Alexandra Chloe Caloracan


Bata pa lang, pinudpod na tayo ng mga magulang o 'di kaya ng mga lolo't lola natin ng mga kwento ng mga di pangkaraniwang nilalang. Sa gubat ay matatagpuan ang kakisigan ng mga kalahating tao-kalahating kabayo, o mga tikbalang. Kapag ikaw nga raw ay naliligaw, marahil ikaw ay na-tikbalang, iyan ang kwento sa atin. Sa gitna naman ng karagatan ay maririnig mo ang isang tunog na animo'y inaakit ka papunta sa laot, tila isang hele na puno ng alindog. Iyon daw ay tawag ng isang sirena, kalahating tao-kalahating isda. Tikbalang. Sirena. Dalawang nilalang na may dalawang komposisyon pero iisa ang kabuuan, ang pagkakakilanlan.


Ganyan tayo namulat na maari palang maging dalawa ang iisa. Ngunit higit sa mga kwentong-bayan na ito, ang mga kwento ng pagkakaroon ng dalawang pagkakakilanlan sa iisang katawan ay 'di na bago. Hindi sila mga kwentong-bayan na isinalaysay upang magbigay ng takot at misteryo sa tao, bagkus sila ay mga totoong istorya ng pagbabagong-anyo; sila ay mga istorya ng pagpili at pagyakap ng buo sa identidad.


Hermaphrodite. Siguro ay una natin itong narinig kay Lady Gaga na meron daw dalawang ari. Isang ari ng babae at isang ari ng lalaki. Nakakagulat at nakakapagtaka naman na sa iisang katawan ay may dalawang bunga ng pagkatao. Pero kung iisiping mabuti, saan ba hinalaw ang mga kwento ng mga tikbalang at sirena at ang kanilang mga kalahating pagkatao? Hindi gawa-gawa ang mga kwentong ito. Ito ay mga totoong kwento ng mga totoong tao. Hindi man si Lady Gaga, pero mayroong mga tao talagang biniyayaan ng dalawang bunga.


Intersex. Iyon ang tawag sa mga taong may ganoong kondisyon. Sa pelikula ni Dir. Jose Enrique Tiglao na Metamorphosis (2019), inilahad niya ng punong pang-unawa ang kwento ng mga intersex. Hindi bago ang mga intersex sa mundong ito. Kung ano man, sila ay mas nagkaroon ng malay at mas naging bokal sa kung ano man ang kondisyon nila. At dahil nga sa pelikulang Metamorphosis, mas nabigyang pansin ang kwento ng mga kapatid nating intersex; sila ang "I" sa LGBTQIA. Tinatayang sa bawat isa sa 1500 o isa sa 2000 na pinapanganak ang maaaring intersex. Kung titingnan ay maliit lang ang bilang na ito. Ngunit hindi ito dahilan upang iwaksi ang mga kwento nila ng pagbabagong-anyo.


Sa Metamorphosis, matagumpay na binigyang-pansin ni Tiglao ang mga paghihirap at tagumpay ng isang intersex. Ang pagpapasya ni Adam (Gold Azeron), ang kanyang paglalakbay tungo sa inaasam niyang pagkakakilanlan.


Screenshot mula sa Metamorphosis Behind-the-Scenes ng Cinema One Originials.


Ang metamorphosis, sa siyensiya, ay ang proseso ng pagbabagong-anyo ng isang hayop. Tulad ng isang paruparong nag-umpisa bilang isang higad, ang proseso ng pagbabagong-anyo ni Adam ay isang prosesong siya lang ang makapagsasabi kung kailan at paano niya ito haharapin.


Nakakalungkot mang isipin pero hindi na bago ang misrepresentasyon ng LGBTQIA sa mga pelikula, palabas, o sa kahit anong porma ng midya na ating kinokonsumo. Ngunit napatunayan ni Jose Enrique Tiglao na sa tulong ng puspusang pagsasaliksik at pag-unawa ay kaya naman palang bigyan ng tamang representasyon ang mga kapatid nating miyembro ng LGBTQIA community. Pinapakita lamang nito na saksi ang lipunan sa mga pambihirang pagbabagong-anyo ng tao.


Ngunit hindi pa rin maikakaila na ang lipunang ating ginagalawan ay hindi pa handa sa mga banyuhay ng mga taong nakapaligid dito. Kamakailan lamang ay naghain ang MTRCB ng isang memorandum kung saan ginawang Rated X ang pelikulang Metamorphosis. Hindi na bago ang pagpapatahimik sa kwento ng mga LGBTQIA ngunit ang agawan ng pagkakataon na maibahagi o di kaya'y kahit mapasilip man lang sa mundo ang kwento ng isang intersex ay isang mapangahas na gawa mula sa MTRCB. Ang mga kapatid nating LGBTQIA ay walang hinangad kung hindi pagtatanggap at tsansang makapagbahagi ng kanilang istorya. Sila ay mga totoong tao na may totoong kwento. Hindi sila basta-basta mga sirena at tikbalang na para lamang sa katuwaan nating mga pribilehiyong may layang maipakita ang totoong pagkatao ng walang bahid ng panghuhusga mula sa lipunan.


Screenshot mula sa trailer ng Metamorphosis ni Jose Enrique Tiglao.


Sa proseso ng pagpili ng mga bagong-anyo ng ating mga kapatid na miyembro ng LGBTQIA, sana ay kasabay rin nito ang pagbagong-anyo ng lipunan sa isang mas malaya at mas tumanggap ng mga taong pinili na ilahad ang pagkatao nang walang takot.


Edited by Andrew Diano

86 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page